Palutang-lutang na sa dagat ng Manticao, Misamis Oriental ang bangkay ng 20 taong gulang na babaeng nursing student nang matagpuan siya ng isang mangingisda.
Ayon sa mga ulat, noong Hulyo 10, 2025 nang huling namataang buhay ang biktima habang nakasakay sa isang motorsiklo.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alamang tumalon ang biktima sa Agus Bridge sa Barangay Maria Cristina sa Iligan City sa Lanao del Norte. Hinihinalang kusang-loob na tumalon ang biktima at wala raw nakikitang foul play ang mga awtoridad sa kaniyang pagkamatay.
Hindi rin nakitaan ng anumang sugat at pagmamaltrato ang bangkay ng biktima nang suriin ito ng mga awtoridad.
Dinala sa Galeon Funeral Homes ang biktima sa bayan pa rin ng Manticao habang hinihintay ang kaniyang mga kaanak. Patuloy naman ang ikinakasang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo ng dalaga sa kaniyang pagtalon sa nasabing tulay.