December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Nagbakasyon lang!' Emil Sumangil ligtas at buhay na buhay

'Nagbakasyon lang!' Emil Sumangil ligtas at buhay na buhay
Photo courtesy: Screenshot from 24 Oras (FB)

Tiniyak ni Kapuso news anchor Emil Sumangil na siya ay ligtas at nasa maayos na kalagayan, matapos lumabas ang mga pangamba ukol sa kaniyang kaligtasan kaugnay ng iniulat niyang kontrobersyal na balita hinggil sa mga nawawalang sabungero.

Sa isang video na inupload ng GMA Public Affairs sa kanilang opisyal na Facebook page, personal na humarap si Sumangil upang linawin ang kaniyang kalagayan at pawiin ang mga agam-agam ng publiko, lalo na ang mga naglipanang fake news sa social media.

KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake

Ayon sa kanya, siya ay nagbakasyon lamang at walang dapat ikabahala ang kaniyang mga tagasuporta at tagasubaybay.

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

Ang naturang paglabas ay kasunod ng naging pahayag ng kaniyang maybahay na si Michelle Sumangil, na nanawagan sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng kaniyang asawa.

KAUGNAY NA BALITA: Misis ni Emil Sumangil, humihiling ng panalangin ng kaligtasan para sa mister

Ito’y matapos maiugnay ang pangalan ni Sumangil sa sensitibong isyung kaniyang iniulat—ang pagkawala ng ilang sabungero—na ayon sa impormasyong ibinahagi ni Julie Dondon Patidongan o mas kilala bilang "Totoy," ay may kaugnayan umano sa negosyanteng si Atong Ang at sa aktres na si Gretchen Barretto, na itinuturong business partner nito.

KAUGNAY NA BALITA: Atong Ang, Gretchen Barretto, kinaladkad sa isyu ng mga nawawalang sabungero

Nagpasalamat si Emil sa lahat ng mga nagpahayag ng kanilang suporta at pag-aalala, at tiniyak na patuloy siyang maglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng tapat at makatotohanang pagbabalita.

Ang isyung ito ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko, lalo na’t kinasasangkutan ito ng ilang kilalang personalidad. Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon at ang pagtutok ng media sa kaso ng mga nawawalang sabungero, lalo't kamakailan lamang ay nagsimula na ang paghahalughog at pagsisid sa Taal Lake upang hanapin ang mga sinasabing kalansay ng mga nawawalang sabungero, at mangalap pa ng iba pang mga ebidensya.

KAUGNAY NA BALITA: Sunog na mga butong nadekwat sa Taal lake, tao kaya?