Muling naging usap-usapan sa social media si Kisses Delavin nitong Linggo, Hulyo 13 matapos lumutang online ang ilang post na nagpapakita ng kaniyang pagsali sa isang ballet performance sa Amerika.
Ayon sa mga netizen, bahagi umano si Kisses ng isang pagtatanghal ng Martha Graham School of Contemporary Dance na matatagpuan sa New York, USA, kung saan siya nag-aaral.
Bagamat walang opisyal na kumpirmasyon mula sa aktres, marami ang natuwa sa kaniyang muling paglabas sa publiko—lalo’t matagal na rin siyang nawala sa showbiz spotlight dahil sa hiatus.
Huling nasilayan si Kisses ng publiko noong 2021, nang siya ay sumali sa Miss Universe Philippines bilang kinatawan ng Masbate. Mula noon, naging tahimik na rin siya sa social media, kung saan ang kaniyang pinakahuling post ay mula pa rin sa taong iyon.
Si Kisses ay unang sumikat bilang 2nd Big Placer sa "Pinoy Big Brother: Lucky 7" (ka-batch ni Maymay Entrata) at naging bahagi ng ilang teleserye at pelikula sa ABS-CBN. Nakilala rin ang kanyang tambalan noon kay Donny Pangilinan, na tinaguriang “DonKiss” loveteam. Noong 2019, iniwan niya ang Star Magic at lumipat sa GMA Network.
Habang nananatiling pribado ang kanyang buhay ngayon, ikinatuwa ng marami ang balitang patuloy pa rin niyang isinusulong ang kanyang passion sa sining—ngayon naman sa larangan ng ballet. Sa kabila ng matagal na pananahimik, patuloy pa rin ang suporta at paghanga ng kaniyang fans.
Hiling nila, sana naman daw ay magkaroon ng comeback sa pag-arte si Kisses na nakaka-miss na raw makita at mapanood na umaarte.