Usap-usapan sa social media ang video ng pananakit ng ilang estudyante sa kapuwa nila kamag-aral sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon sa mga ulat, kuha ang video ng pananakit mula sa grupo ng Grade 8 students na napag-alamang nag-cutting classes at nag-inuman ilang layo lamang mula sa kanilang eskwelahan.
Mapapanood sa naturang video ang tila pagsasagutan ng biktima at ilang estudyanteng babae habang nakatambay. Ilang sandali pa, biglang may sumampal na babaeng estudyante sa biktima, dahilan upang siya ay mapaupo. Sinundan naman ito ng dalawa pang babaeng estudyante na nagbigay ng tig-isang sampal sa biktima.
Matapos nito, isang matandang babae ang umawat sa mga estudyante. Sa kasunod na senaryo ng video, mapapanood naman na nakatayo na ang grupo mula sa kanilang pinagtambayang tindahan.
Nagpatuloy ang komprontasyon at nauwi ito sa tulakan kung saan makikitang gumulong sa damuhan ang biktima at isa pang babae. Muli naman silang naawat ng matandang babae.
Nakarating na sa eskwelahan ang insidente at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Napag-alamang napagkasunduan daw na ilipat ng ibang paaralan ang lahat ng estudyanteng sangkot sa pananakit at kanilang mga kasama nang mangyari ang insidente. Isasailalim naman sa intervention at counseling ang biktima.
Pinag-aaralan na rin ang pagsasampa ng cyberbullying sa mga nagpakalat ng video ng pananakit sa biktima. Desidido rin ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaukulang reklamo.