Binalikan ng licensed forester at content creator na si Ethan Hernandez ang liham na ipinadala niya sa iba’t ibang unibersidad para lang makapag-aral ng kolehiyo noong 2011.
Sa latest Facebook post ni Ethan nitong Linggo, Hulyo 13, inilahad niya ang kaniyang humble beginnings.
Ayon sa kaniya, mula raw siya sa pamilya ng mga magsasaka. Kaya bata pa lang, alam daw niyang mahirap na ang buhay. Na kung gusto raw niyang makatapos ng high school, kailangan niyang magsikap sa sariling paraan.
“To finish 4th year high school, I worked as a dishwasher and cleaner at a small canteen in our province. Basically, yung tinatawag na ‘boy.’ I also worked part-time packing bread in a local bakery. Babayaran ako ₱0.10 sa bawat tinapay na mabalot ko. Nakakarami din naman. It was backbreaking work, but I managed to graduate high school,” saad ni Ethan.
At para makatuntong sa kolehiyo, nagdesisyon siyang umalis ng Naga. Namasukan siya bilang janitor at katulong. Hanggang sa nakapag-enroll siya sa ilalim ng programang Bachelor of Science in Accountancy na hindi niya natapos kalaunan.
Pero hindi pa rin sumuko si Ethan. Naghanap siya ng mga bagong oportunidad. At noon niya naisip na para maipagpatuloy ang pag-aaral, nagpadala siya ng liham sa mga nangungunang unibersidad sa bansa tulad ng University of the Philippines, University of Santo Tomas, De La Salle University, at Ateneo de Manila University.
Aniya, “Yes, I was aiming high that time. Libre naman mangarap eh. I even told myself, ‘I don’t mind being a servant as long as it’s in a prestigious school.’ Para makaluwas, nakiusap ako sa bus driver na payagan ako makasakay nang libre (kuya, if you’re reading this thank you so much, sobra!).”
“I didn’t go straight to Manila. Bumaba na ako sa Turbina, which is one of the few places I was familiar with, and went to Los Baños where some relatives lived. But I didn’t stay with them. I didn’t want to be a burden,” dugtong pa ni Ethan.
Bagama’t hindi na niya nagawa pang makatuntong sa Manila, natagpuan naman ni Ethan ang katuparan ng pangarap sa University of the Philippines Los Baños matapos niyang ibigay ang kopya ng liham na ipinadala rin niya sa iba pang unibersidad.
“The very next day, I received a call from a lawyer at UPLB,” saad ni Ethan. “She was kind beyond words. With the assistance of the CFNR college secretary, she helped me take the UPLB entrance exam and field test (pinaakyat sa Mt Makiling). I passed the exam and interview, and with the Chancellor’s blessing, I was admitted.”
Ayon kay Ethan, gusto pa rin daw talaga sana niyang ipagpatuloy ang naudlot niyang pag-aaral ng accountancy. Pero hindi na raw siya nag-inarte pa nang bigyan siya ng slot sa forestry. Ipinaalala niya sa sariling nasa UP na siya. Nagustuhan at minahal na rin naman niya ito kalunan.
Sa katunayan, ang kursong ito ang nagbigay sa kaniya para marating ang anomang tagumpay niya ngayon. Nagtapos siya ng kolehiyo ng may karangalan. Cum laude. Nakapagturo din siya sa UPLB at nakakuha pa ng master’s degree sa South Korea. Nakapagpundar siya para sa pamilya—nakapagpatayo ng bahay, nakabili ng kotse, at nakapagpatapos ng kapatid.
Bukod dito, isa na rin siyang content creator na ang followers ay malapit nang umabot ng isang milyon, isang bagay na hindi niya raw naisip noon.
“To everyone who helped me along the way, thank you from the bottom of my heart. This story is not just mine. It’s for every student, worker, and dreamer fighting against the odds. Don’t give up. You never know how far grit, kindness, and a little faith can take you,” ani Ethan.