Dumipensa ang Philippine Coast Guard laban sa mga alegasyong nagsasabing pawang “tanim-sako” lamang ang mga sakong narerekober nila sa Taal Lake.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay PCG Spokesperson Captain Noemi Cayabyab nitong Linggo, Hulyo 13, 2025, umaasa raw ang kanilang hanay na mawala ang mga espekulasyong ibinabato sa kanilang operasyon sa paghahanap ng bangkay ng mga nawawalang sabungero sa lawa ng Taal.
“Itinatanggi ito ng PCG [na planted lang ang mga nakitang sako sa Taal Lake]. Ang layunin ng bawat diving operations namin ay makapagbigay ng hustisya at katotohanan. Nawa'y mawala ang mga ganitong espekulasyon dahil bawat sisid ng PCG, buhay nila ang nakataya,” saad ni Cayabyab.
Samantala, sa kabila ng mga batikos na inaani ng nagpapatuloy nilang operasyon, iginiit ni Caybyab na magpapatuloy pa rin ang pag-retrieve nila sa mga bangkay ng nawawalang mga sabungero.
“Continue po ang diving operations hanggang may na retrieve, Naka-depende rin ang tagal ng diving operation sa weather, current, at alert level ng Taal Volcano,” aniya.
Dagdag pa niya, “Halos magkakalapit [ang mga sakong nakuha]...halos 20 meters lang. Masinsin ang ating diving operation. We make a good search pattern just to make sure na wala tayong malalagpasan.”
BASAHIN: Sunog na mga butong nadekwat sa Taal lake, tao kaya?