December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

49-anyos na sekyu, nagtapos ng kolehiyo sa pinaglilingkurang unibersidad

49-anyos na sekyu, nagtapos ng kolehiyo sa pinaglilingkurang unibersidad
Photo courtesy: Julian Avila, University of Caloocan City (FB)

Pinatunayan ni Julian Avila, 49 taong gulang, isang matagal nang naglilingkod na security guard sa University of Caloocan City (UCC), na kailanman ay hindi pa huli para tuparin ang isang pangarap, anuman ang edad at kasalukuyang estado sa buhay.

Nagtapos kamakailan si Avila ng degree program na Bachelor of Public Administration sa nabanggit na pamantasan kung saan siya nagseserbisyo.

Ayon sa Facebook post ng UCC, sa loob ng maraming taon, naging pamilyar na mukha si Avila sa loob ng UCC Campus; tahimik ngunit matatag na nagbabantay sa kaligtasan ng pamantasan. Ngunit sa likod daw ng kaniyang mahinahon at matiyagang serbisyo ay nakatago ang isang matagal nang pangarap: ang makapagtapos ng kolehiyo.

Isang mapagmahal na ama ng apat na anak, isinantabi raw muna ni Julian ang kaniyang personal na ambisyon upang unahin ang kinabukasan ng kaniyang pamilya.

Human-Interest

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?

Ngunit ang pangarap, kahit gaano man katagal na naantala, ay nananatiling buhay—naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang muling umusbong.

Sa tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, at sa ilalim ng isang programang nagbibigay ng oportunidad sa mga empleyado ng pamahalaan na makapag-aral habang nagtatrabaho, muling nabuhay ang pag-asa ni Julian. Sa ilalim ng Bachelor of Public Administration-Evening Classes for Government Employees (BPA-ECGE), nagpatuloy siya sa kaniyang serbisyo sa araw bilang guwardiya, at sa gabi’y naging masigasig na estudyante. Kayod, puyat, at pagod man—hindi nawala sa kaniyang paningin ang inaasam na diploma.

Si Julian, na lumuwas ng Maynila mula probinsya dala ang malalaking pangarap at tahimik na determinasyon, ay ngayon isa nang ganap na nagtapos ng kolehiyo.

Ang kaniyang tagumpay ay hindi lamang kuwento ng pagtatapos—ito ay kuwento ng paninindigan, sakripisyo, at pananampalatayang hindi kailanman nawalan ng saysay.

Buong puso raw ang kaniyang pasasalamat sa Board of Regents na pinamumunuan ni Chairman, Hon. Mayor Dale Gonzalo R. Malapitan, na naging instrumento upang maisakatuparan ang isang napakagandang oportunidad na ito.

Hindi naman nabanggit sa post kung ano ang balak ni Avila ngayong titulado na siya: kung iiwanan na ba niya ang pagiging sekyu, maghahanap ng trabaho, o magpapatuloy pa sa mas mataas pang pag-aaral.