Diretsahang pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang nagkalat na umano’y larawan ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa ospital, na pinaniwalaan ng ilan sa kanilang mga tagasuporta.
Sa panayam ng kanilang tagasuporta kay VP Sara sa The Hague, Netherlands noong Biyernes, Hulyo 11, 2025, iginiit niyang nasa kustodiya pa rin ng International Criminal Court (ICC) ang kaniyang ama.
"Kaninang umaga may nagpadala sa akin ng photo na mukhang nasa hospital bed si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na may dalawang band sa kamay n’ya. So hindi po totoo ang photo na iyon. Malamang edited ang photo na iyon," saad ni VP Sara.
Giit pa ng Pangalawang Pangulo, posible raw na ibang pasyente ang nasa naturang larawan dahil hindi pa raw bedridden si dating Pangulong Duterte.
"Malamang ibang pasyente iyon. Inano lang nila ang mukha ni dating pangulong Duterte. Wala po siya sa ospital ng detention unit. Nandoon po siya sa regular wing ng detention unit. At kanina, naglalakad naman siya mag-isa. May dala dala siyang tungkod. So clearly wala siyang sakit na kumbaga na kailangan niyang maging bedridden," anang Pangalawang Pangulo.
Dagdag pa niya, susubukan daw niyang makipag-ugnayan sa mga abogado kung pahihintulutan ng ICC na maglabas sila ng latest picture ng kaniyang ama.
"Puwede nating itanong sa lawyer kung puwede nilang i-request sa registry sa ICC... Pero nasabi ko nga last time na pumayat siya, sobrang payat n’ya," aniya.
Matatandaang nagkalat sa social media ang nasabing pekeng larawan na pinagpiyestahan ng ilang netizens at umani ng samu’t saring mga reaksiyon.
Kasalukuyang nakadetine sa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD