Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na namatay sa saksak ang transportation network vehicle services (TNVS) driver na pinagnakawan ng tatlong suspek sa Cavite noong Mayo 18, 2025.
Batay sa autopsy report na inilabas ng NBI noong Biyernes ng gabi, Hulyo 11, 2025, dalawang sasaksak sa dibdib ang ikinamatay ng biktima.
Matatandaang noong Biyernes din nang matagpuan ang nawawalang bangkay ng biktima sa Nueva Ecija matapos sumuko ang tatlong suspek sa mga awtoridad at itinuro kung saan nila itinapon ang katawan nito.
KAUGNAY NA BALITA: Bangkay ng pinagnakawan at nawawalang TNVS driver noong Mayo 18, natagpuan na!
Kamakailan lang nang pumutok ang mga ulat tungkol sa sinapit ng biktima sa kamay ng noo’y mga hindi pa tukoy na suspek matapos nilang i-book ang biktima sa Parañaque City noong Mayo 18, na papunta raw ng Molino sa Cavite, batay na rin sa narekober na dashcam footage sa sasakyan ng biktima.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, maririnig sa nasabing dashcam footage sa sasakyan ng biktima kung paano sinubukang saksakin ng mga suspek ang biktima sa pagnanais na maisakto raw ito sa puso niya.
KAUGNAY NA BALITA: TNVS driver na hinihinalang pinatay noong Mayo, hindi pa rin matagpuan ng mga kaanak
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang tatlong suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo.