Binira ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pagpapahalaga raw ng mga Pinoy sa usapin ng karapatang pantao na tila nangingimi pagdating daw sa karapatan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kaniyang Facebook live nitong Sabado, Hulyo 12, 2025, bahagyang tinalakay ni Cayetano ang isinusulong niyang resolusyon sa Senado na maipa-house arrest si dating Pangulong Duterte—bagay na tinututulan umano ng kaniyang mga kritiko.
Bunsod nito, tila hindi naiwasang kuwestiyunin ng senador ang usaping karapatang pantaong naipagkakait daw kay Duterte bilang kapuwa Pilipino.
"Maka-human rights ba talaga tayo? We have to examine our heart[s]. Are we compassionate as a people?" anang senador.
Dagdag pa niya, "If we’re only compassionate sa mga mahal natin, pero do’n sa mga taong galit tayo we’re not compassionate, then we’re not compassionate."
Dagdag pa niya, wala raw dapat pinipili ang hustisya pagdating sa usaping pangkarapatang pantao.
"When we say that we want justice, that goes both ways. Ganoon din ‘pag sinasabi nating tayo ay maka-human rights," ani Cayteno.
Hirit na tanong pa niya sa mga kritiko ni Duterte, "Ang values natin nate-test pagka ayaw natin i-apply yung value na yun. Kung halimbawa po kakampi n’yo ‘yong nakulong doon, will you have the same values?"
Matatandaang laman ng nasabing resolusyon ni Cayetano himukin ang gobyerno na hilingin ang pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Duterte mula sa International Criminal Court (ICC), at ilagay ito sa ilalim ng house arrest sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands.
BASAHIN: Resolusyon ni Sen. Alan Peter na i-house arrest si FPRRD, sinagot ng Palasyo: 'Noted!'
Kasalukuyang nakadetine sa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD