Timbog ang isang lalaki matapos siyang magnakaw ng sabon at iba pang paninda sa isang sari-sari store sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas noong Biyernes, Hulyo 11, 2025, nakuhanan ng CCTV ang aktwal na panloloob ng suspek sa nasabing tindahan.
Mapapanood sa kuhang CCTV na naunang tinira ng suspek ang mga sabon sa loob ng tindahan at kalaunan ay sinunod ang iba pang mga tinda.
Laking-gulat na lamang daw ng may-ari ng tindahan nang makitang sira ang pinto ng kanilang tindahan at limas ang ilan sa kanilang mga paninda na nagkakahalaga ng halos ₱10,000.
Samantala, mabilis namang nasakote ng pulisya ang suspek na umamin sa kaniyang kasalanan. Depensa ng suspek, nagawa lamang daw niyang magnakaw dahil bagong tanggap lang siya sa trabaho at hindi pa nakatatanggap ng sahod o suweldo.
Naibalik naman sa may-ari ng tindahan ang ilan sa mga natirang ninakaw ng suspek. Desididong magsampa ng demanda ang biktima.