Matapos manalo ng ₱72 milyon sa Grand Lotto 6/55, ibinahagi ng lone bettor mula sa Novaliches, Caloocan na ang minsanan niyang pagtaya sa lotto ay nauwi sa pagkapanalo.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), napanalunan ng lone bettor ang ₱72,366,751.00 jackpot prize ng Grand Lotto.
Nahulaan niya ang winning combination na 03-54-24-36-18-46 na binola noong Hunyo 30.
Nitong Hulyo 3, kinubra na ng lone bettor ang kaniyang premyo.
Kuwento ng manananaya, tumaya siya ng lotto pagkatapos ng kaniyang trabaho sa halagang ₱20.
Dagdag pa niya, minsanan lang siya tumaya sa lotto kapag may extra siyang pera.
“Hindi ko akalaing mangyayari talaga sa akin ‘to. Minsan lang ako tumaya. Pero dahil naniniwala ako na may awa ang Diyos eto na nga ang nangyari,” saad ng lucky winner.
Plano rin niyang gamitin ang napanalunan para sa kaniyang pamilya, pag-aaral ng kaniyang mga anak, at mga maliliit na investments.
Samantala, binobola ang Grand Lotto tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado.