Ikinakasa na ng kapulisan ang paghahanda sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Hulyo 28, 2025.
Sa press briefing ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Jean Fajardo nitong Biyernes, Hulyo 11, sinabi niyang nasa 11,949 mga pulis ang ipapakalat sa iba’t ibang parte ng Metro Manila, partikular na bisinidad ng House of Representatives (HoR) at the Batasan Pambansa sa Quezon City.
Magsasagawa na rin daw ng threat assessment ang kapulisan upang maihanda ang mas pagpapaigting pa ng seguridad sa SONA ng Pangulo.
“[To determine] if there is a need to adjust po ‘yong mga nakasanayan na nating security template, at magbibigay po sila ng updated na threat estimates including po ‘yong possible number ng mga magka-conduct ng mga activities, particularly ‘yong mga rallies, both pro and anti,” saad ni Fajardo.
Sisiguraduhin daw ng PNP na hinid rin magtatagpo sa iisang lugar ang grupo ng mga raliyistang magpapahayag ng pagsuporta at pag-alma sa administrasyon ni PBBM.
“Kagaya ng ginagawa natin in previous years, we make it a point na hindi po sila magkasama sa isang lugar, medyo may distansya para maiwasan po natin yung girian,” ani Fajardo.
Nakikipag-ugnayan na rin daw ang PNP sa Office of the Sergeant-at-Arms of the House of Representatives para sa pagsasapinal ng pinaigting na seguridad sa loob at labas ng Batasang Pambansa.