Gumulantang sa ilang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga sunog na buto na kanilang narekober sa dapat sana’y preliminary inspection lamang sa Taal Lake noong Huwebes, Hulyo 10, 2025.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), isasalang sa forensic examination ang nasabing mga buto upang matukoy kung ito ay mga buto ng tao at saka magkakaroon ng DNA testing.
“To formally certify whether the remains are indeed human through proper forensic examination—this will come from either Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) or National Bureau of Investigation (NBI),” anang DOJ.
Ayon pa sa DOJ, itinuturing din daw nila itong “breakthrough” sa muling pag-usad ng imbestigasyon para sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa loob ng halos apat na taon.
“This discovery could represent a significant breakthrough in the ongoing investigation,” anang ahensya.
Samantala, muling nagpapatuloy ang pagsisid ng PCG sa Taal para sa opisyal na pagsisimula ng search and retrieval operations sa mga buto ng nawawalang sabungerong pinaniniwalaang doon umano itinapon.
Naunana nang nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi makakaapekto ang patuloy na aktibidad ng bulkang Taal sa paggagalugad nila sa lawa nito.
KAUGNAY NA BALITA: Kondisyon ng Bulkang Taal, 'di makakaapekto sa retrieval operations ng PCG sa Taal Lake—Phivolcs