Pinayuhan ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na umuwi na sa Pilipinas si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
Sa isang episode ng “Politika All The Way” ng One PH kamakailan, sinabi ni Panelo na si Roque umano ang gumagawa mismo ng sarili nitong problema.
“Ang problema sa kaniya, masyado kasi siyang madaldal, e. He creates his own problem, like 'yong demanda sa kaniya. [...] Sa kadadaldal niya e nasasabit siya,” saad ni Panelo.
Kaya ang maipapayo raw niya kay Roque, umuwi na ng Pilipinas ang harapin ang isinampang kaso.
Aniya, “Umuwi siya rito. Harapin niya. Abogado naman siya, e. Hindi porke inakusahan ka, totoo.”
“Pagtanggol mo 'yong sarili mo. Bumalik ka na totoong lalaki. Face it like a man. Baka matulungan ko pa siya,” dugtong pa ng dating presidential legal counsel.
Kasalukuyang umaapela ng asylum si Roque habang nakabinbin ang kaso niya dahil sa umano’y human trafficking na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
MAKI-BALITA: Harry Roque, maghahain ng asylum sa The Netherlands
MAKI-BALITA: Harry Roque, pinaaaresto ng Angeles court dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng POGO
Pero bago pa man ito, nauna na siyang binabaan ng arrest order matapos ang hindi pagdalo sa House inquiry para sa POGO Lucky South 99, na siya ang lumalabas na umano'y legal counsel.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom