Pumalag si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan laban umano sa mga bumabatikos sa kaniya kaugnay ng umuugong na pagsama nila ni Sen. Bam Aquino sa majority bloc ng Senado.
Sa kaniyang X post nitong Huwebes, Hulyo 10, 2025, bagama't hindi niya tahasang sinagot ang naturang isyu, binigyang-diin ng senador na patuloy raw siyang maninindigan para sa pangakong kaniyang bitbit sa pag-upo sa puwesto.
"They are free to say what they wish. I did publicly express a willingness to work with all parties along principled boundaries to bring down high food prices and hunger," saad ni Pangilinan.
Dagdag pa niya, "I know who I am, I know what I stand for. My political track record is an open book."
Paglilinaw pa niya, nakahanda raw siyang isantabi ang anumang hidwaan sa politika upang mabigyang-solusyon ang gutom sa buong bansa.
"I likewise said that I was willing to set aside partisan politics so both the legislative and executive branches can work together effectively to deliver solutions," anang senador.
Samantala, iginiit din ni Pangilinan na patuloy pa rin ang pag-uusap nila nina Sen. Bam at Sen. Risa Hontiveros at wala pa raw naisasapinal na desisyon tungkol sa kanilang paksyon.
"Naguusap usap at maguusap pa rin kami nina Risa at Bam. Kung anuman ang magiging opisyal at pinal na pasya sa Senado sa July 28, maninindigan pa rin tayo nang puspusan para pawiin ang gutom...," aniya.
Matatadaang minsan nang inihayag ni Sen. Risa ang balak daw niyang bumuo ng "independent bloc" sa Senado sa nakatakdang pagpasok nina Pangilinan at Aquino, bagay na bumulaga sa taumbayan matapos pumutok ang naturang isyu ng pagsama ng dalawang senador sa majority bloc.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Risa, dedma kung sakaling sumama sa oposisyon sina Sen. Kiko, Bam