Nanindigan si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na naging maayos ang pangangasiwa nila sa naging resulta ng midterms election noong Mayo 2025.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Hulyo 10, iginiit niyang tapat nilang inilabas ang resulta ng naturang eleksyon, taliwas sa kampo ng ilang mga abogadong nagsampa ng kaso laban sa kaniya at iba pang opisyal ng Comelec.
"Masasabi po naming sa pangkalahatan ay naging maayos, matapat, bukas, tahimik at kapani-paniwala ang resulta ng halalan," anang Comelec Chair.
Dagdag pa niya, malaki raw ang tiwala ng Komisyon sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan isinampa ang kaso laban sa kanila.
"Pinagkakatiwalaan po ng sambayanan ang NBI at ganoon din po kami sa Komisyon. Lahat po ng mga binabanggit nila ay matagal at paulit ulit na po naming nasagot at pinabulaanan." ani Garcia.
Matatandaang nitong Huwebes din, Hulyo 10 nang magsampa sina Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio, Atty. Alex Lacson at dating Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) president Franklin Ysaac ng 50 million counts ng cybercrime bunsod umano ng "system interference" na ginawa ng Comelec sa mga resulta ng automated counting machine (ACM) upang mamanipula ang mga bilang ng boto nito.
"Nandito po kami ngayon dito sa NBI para ipakulong si Chairman George Garcia. Chairman George, hala ka, makukulong ka na ng habambuhay. Dahil nagsampa kami sa iyo ng mahigit na 50 milyong counts ng cybercrime," ani Respicio sa media.
KAUGNAY NA BALITA: Higit 50 million counts of cybercrime, isinampa sa NBI laban kay Comelec Chairman Garcia at iba pa