Dinismiss ng Makati City Prosecutor’s Office ang kasong inihain ng dating asawa ni Bacolod City Rep. Albee Benitez na si Nikki Lopez laban sa kaniya, sa akusasyon ng "infidelity" dahil umano sa pakikipagrelasyon sa ibang mga babae, kabilang na ang alegasyong pakikipagrelasyon sa aktres na si Ivana Alawi.
KAUGNAY NA BALITA: Ivana Alawi, nakaladkad sa VAWC case ng estranged wife ni Albee Benitez
Batay sa mga ulat, bigo raw na makapagprisinta ng sapat na mga ebidensya si Lopez laban sa mga alegasyon niya kay Benitez, na lumabag siya sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ito ay nakasaad sa 20-page resolution ni Assistant City Prosecutor Mikhail Maverick Tumacder.
Matatandaang sa kaniyang affidavit, sinabi ni Lopez na naapektuhan umano ang kaniyang mental health sa umano'y pagkakaroon ng "anak sa labas" ni Benitez sa aktres na sina Andrea Del Rosario at beauty queen-turned-actress na si Daisy Reyes.
Hindi raw napatunayan ni Lopez ang pagkakaroon ng relasyon ni Benitez kay Del Rosario, bagama't ang sinasabing ugnayan ng dating mister kay Reyes ay naganap bago pa maisabatas ang RA 9262.
Wala ring sapat na pruwebang nailabas kaugnay naman sa umano'y relasyon ng dating mister kay Ivana, na tanging mga news articles, larawan, at testimonya ng kapatid ang pinagbatayan. Hindi umano sapat ang mga ebidensyang ito upang tuluyang tumulak ang kaso.
Nauna na ring itinanggi ni Cong. Albee ang tungkol sa pagkaka-link niya kay Ivana, ayon na rin sa naibalita ni Ogie Diaz sa "Ogie Diaz Showbiz Update."
"As for recent personal matters, I kindly request understanding and respect for privacy to shield all innocent parties involved. In my private capacity as a film and TV program producer, my professional interaction with various celebrities is inherent to the nature of the business. At this moment, my primary focus is on safeguarding the interests of Bacolod City," anang dating alkalde.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni Rep. Albee Benitez, pinabulaanan alegasyon ng kaniyang estranged wife
Pinabulaanan naman ng sexy actress-influencer ang pagkakaroon ng intimate relationship sa nabanggit na politiko sa pamamagitan ng vlog, at sinabing hindi niya gawaing manira ng buhay o mangwasak ng isang tahanan.
KAUGNAY NA BALITA: Ivana, sumalang sa lie-detector test; hindi homewrecker
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Lopez tungkol dito.