Nagkomento ang batikang aktres at Batangas Governor Vilma Santos-Recto patungkol sa pagkakadawit ng Taal Lake sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Miyerkules, Hulyo 9, 2025, iginiit ni Vilma pawang apektado raw ang mga mangingisda sa kanilang lalawigan magmula ng pumutok ang balitang sa lawa raw ng Taal itinapon ang nasa mahigit 100 bangkay ng mga nawawalang sabungero.
"Ang akin lang, siyempre nadadamay ang Taal Lake namin, you get me?" saad ni Vilma.
Dagdag pa niya, "At kahit paano, with this news, hindi naman natin alam kung confirmed or hindi.”
Giit pa niya, matagal na raw nangyari ang pagtatapon doon ng mga bangkay kung sakali man daw na totoo ang sinasabi sa mga ulat.
"Kesyo may mga katawan diyan...naapektuhan ang business ng mga mangingisda naman. And you know, that happened a long time ago," anang gobernadora.
Nakiusap din siya sa publiko sa mga pilit na nag-uugnay umano sa Taal na nagdudulot lamang daw lalo ng pangamba.
"So, kahit paano, sana huwag naman. Kasi kahit paano naaapektuhan ang kabuhayan ng mga Batangueñong mangingisda tsaka totoong nandiyan nga, you know. So huwag naman sana. Huwag naman sana," saad niya.
Matatandaang isang whistleblower na si alyas “Totoy” o Julie Dondon Patidongan sa totoong buhay, ang lumantad at nagsiwalat na sa lawa raw ng Taal itinapon ang mahigit 100 mga bangkay ng nawawalang sabungero at ilang drug lords alinsunod sa utos ng businessman na si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto.
KAUGNAY NA BALITA: Bangkay ng mga nawawalang sabungero, itinali sa sandbag para lumubog sa Taal Lake
KAUGNAY NA BALITA: Atong Ang, Gretchen Barretto, kinaladkad sa isyu ng mga nawawalang sabungero