Sa kulungan bumagsak ang 48 taong gulang na lalaki matapos niyang gahasain ang isang 15-anyos na dalagita sa loob ng palikuran ng isang gasolinahan sa Marikina.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News nitong Huwebes, Hulyo 10, 2025, mismong ang Marikina Police ang nakapansin ng kahina-hinala sa may gasolinahan matapos nilang mamataan ang menor de edad na kapatid ng biktima.
Kasagsagan na umano ng curfew bandang 10:30pm nang makita ng pulisya ang kapatid ng biktima sa labas ng CR. Nang lapitan daw nila ito, iginiit ng bata na hinihintay niya raw ang kaniyang kapatid na nasa loob ng banyo.
Ilang sandali pa, biglang lumabas ang suspek mula sa CR kasunod ang dalagita. Doon na raw naghinala ang pulisya at agad na inalam ang nangyayari.
"Sinabi no’ng bata na galing sa CR na hinalikan siya nang dalawang beses, then hinawakan yung maseselang parte ng katawan at pagkatapos nagkaroon ng total penetration. Pagkatapos yun nga nang mangyari, gahasain sa loob ng CR, binigyan yung menor de edad ng ₱150 ng suspect," ani Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina Police.
Depensa naman ng suspek, nag-aahit lamang daw siya sa nasabing CR at hindi napansin na nandoon din sa loob ang biktima. Itinanggi niyang ginahasa ang biktima na matagal na raw niyang kakilala dahil madalas daw itong mamalimos sa kaniya.
“Ang bata na yun, matagal ko nang kilala, matagal na yun nanghihingi, namamalimos. Ang nangyari roon, pagpasok ko, may tao pala, ‘O anong ginagawa mo? Sige bilisan mo riyan,’ kasi ayoko ngang kapag pumasok ako, nag-aahit ako, may pumasok na babae, siyempre bawal, nakakahiya," anang suspek.
Nasa kustodiya na ng Marikina City Police Custodial Facility ang suspek na mahaharap sa reklamong statutory rape.