December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Bunyag ni Cristy: Ogie, tulay sa pag-urong ng kaso nina Sen. Kiko at Shawie

Bunyag ni Cristy: Ogie, tulay sa pag-urong ng kaso nina Sen. Kiko at Shawie
Photo courtesy: Ogie Diaz (FB)

Naging emosyunal ang beteranang showbiz insider na si Cristy Fermin matapos niyang ikuwento sa kaniyang programang "Cristy Ferminute" ang tungkol sa pag-urong nina Megastar Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan, sa isinampang cyber libel case laban sa kaniya.

Unang ibinahagi ang tungkol dito sa Facebook post ng kapwa showbiz insider at "anak-anakan" ni Cristy na si Ogie Diaz noong Martes, Hulyo 8.

Mababasa sa post ni Ogie, "Nakakatuwa. Okay na sila ngayon. Kung matatandaan natin, nagsampa ng cyberlibel case ang mag-asawang Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta."

"Matapos humingi ng public apology si Ate Cristy Fermin sa kanyang youtube channel, heto’t nagkita na sila sa korte kanina (July 08, 2025) para iurong ang kaso."

Tsika at Intriga

'Buong taon 'di n'yo naman ako pinapansin!' Nadine, umapela sa mga nanghihingi tuwing December lang

"Sabi nga ni Ate Cristy, 'Kung nakapanakit tayo ng kalooban, marunong naman tayong humingi ng tawad.'"

"Hindi naman sa korte lang lagi ang lugar para ipaglaban ang karapatan at katotohanan. Pwede namang mag-usap nang puso-sa-puso. Hanggang sa pairalin ang pagpapatawad. Lalo na kung meron namang nabuong relationship noong araw pa."

"Thank you, Sen. Kiko Pangilinan and Mareng Mega," anang Ogie.

KAUGNAY NA BALITA: Sharon, Sen. Kiko iniurong cyber libel case laban kay Cristy

Mayo 10, 2024 nang magsampa ng kaso ang mag-asawa laban sa batikang showbiz news personality.

Sa kaniyang programa, emosyunal na sinabi ni Cristy na ang nagsilbing tulay raw para patawarin siya ng mag-asawa at i-urong na ang demanda, ay si Ogie.

Nakausap daw ni Ogie si Sen. Kiko at pinakiusapang "ibalato" na sa kaniya ang tungkol sa pag-urong nga ng kaso.

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Cristy para kay Ogie, na kuwento nga ni Ogie, si Cristy ang nagturo sa kaniya kung paano maging manunulat at nagbigay sa kaniya ng mga oportunidad noon para tuluyan siyang makapasok sa showbiz.

Samantala, sa kaniyang Instagram post ay nagsalita na rin si Shawie patungkol sa pag-atras nila ng kaso.

Sinabi niyang may pinagsamahan naman sila ni Cristy at para sa kaniya, napakadaling ipagpatuloy ng pagmamahalan.

"Di basta naitatapon at nalilimot ang pagkakaibigan. Napakadaling ipagpatuloy ang pagmamahalan! Namiss ko si Nay. My heart is so happy and at peace," aniya.

KAUGNAY NA BALITA: Sharon Cuneta, nagsalita sa pag-atras ng cyber libel case laban kay Cristy Fermin

Naka-tag naman sa post ang co-host ni Cristy na si Romel Chika.