Nasawi ang isang 80 taong gulang na ina sa Malasiqui, Pangasinan matapos siyang saksakin ng 39-anyos na anak na may sakit umano sa pag-iisip.
Ayon sa mga ulat, halos dalawang linggo na raw sinasamahan ng biktima ang kaniyang anak sa sarili nitong bahay dahil daw sa mga senyales na tila nakikitaan nilang nasisiraan na raw ng bait ang suspek na anak.
Bago mangyari ang krimen, sinubukan pa raw dumalaw ng kapatid ng suspek ngunit hindi siya nito pinayagan na makapasok sa kaniyang bahay. Muli raw bumalik ang nasabing kapatid sa bahay ng suspek at doon na nangyari ang krimen.
Tumambad sa kanilang mga kaanak ang bangkay ng sinaksak na biktima. Bigla na lamang daw nagtatakbo ang suspek matapos ang naturang krimen.
Batay sa imbestigasyon, hindi pa raw malinaw ang motibo ng suspek sa pananaksak sa sariling ina. Samantala, matapos ang halos isang oras na paghahanap sa suspek, natagpuan na rin siyang patay na may saksak sa leeg habang hawak ang kutsilyo.
Hinihinalang ang naturang kutsilyong narekober sa suspek ang ginamit daw nito sa pagpatay sa kanilang ina.
Kapuwa nakaburol ang dalawa sa kanilang tahanan habang gumgulong ang imbestigasyon.