Nagkomento na si Sen. Risa Hontiveros tungkol sa umuugong na mga balitang sasama sa majority bloc sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Bam Aquino.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Hulyo 9, 2025, tahasang iginiit ni Hontiveros na patuloy siyang maninindigan bagama’t hihiwalay sa kaniya ng paksyon sina Pangilinan at Aquino na inasahan niya noon na makaksama bilang independent bloc sa Senado.
“Hindi ako nahu-hurt dahil iyon na nga eh, basta patuloy akong maninindigan, kung ang bawat isa sa amin ay may sariling diskarte, eh ako rin naman po, basta nakatutok pa rin ako sa layunin ng oposisyon, hindi lang sa loob pati sa labas ng Senado,” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Hindi ko pa sigurado kung mag-iisa ako o hindi, pero kung ano man, basta maninindigan ako.”
Saad pa ni Hontiveros, mas mainam daw na sina Pangilinan at Aquino ang magklaro ng nasabing balita na paglihis nila sa kampo ni Hontiveros.
“Ang bawat isa naman sa amin ay responsable at accountable sa aming mga desisyon so siguro iyong mga kasama ko, mas dapat na sila ang sumagot kung bakit nila gagawin o hindi gagawin ang isang bagay,” anang senadora.
Matatandaang kamakailan lang ng kumalat ang naturang posibilidad na pagsama nina Pangilinan at Aquino sa majority bloc—kaugnay naman ng pagiging mag-isa raw ni Hontiveros, iginiit naman ni Sen. Migz Zubiri na nakahanda raw silang tanggapin ang senadora.
“Naawa nga ako kay Sen. Risa, naaawa talaga ako sa kaniya. Alam mo kampanya nang kampanya para sa kaniyang mga kandidato, tapos sabi n'ya, gagawa siya ng sarili niyang bloke na independent bloc. Eh, ngayon mag-isa na lang siya. I heard mag-isa na lang siya, I cannot confirm or deny this," ani Zubiri.
KAUGNAY NA BALITA: Paksyon nina Zubiri, tatayong minority sa Senado; Hontiveros, pwedeng isama