December 13, 2025

Home BALITA

Resolusyon para mapauwi si FPRRD, kapakanan ng bayan ang intensyon —Padilla

Resolusyon para mapauwi si FPRRD, kapakanan ng bayan ang intensyon —Padilla
Photo Courtesy: Robin Padilla (FB)

Tila pasimpleng sinagot ni Senador Robin Padilla ang mga bumabatikos sa resolusyong inihain nila ng mga kapuwa niya senador na sina Bong Go at Bato Dela Rosa na naglalayong mapauwi si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas.

Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa The Hague, Nehterlands dahil sa kasong crimes against humanity matapos siyang arestuhin ng International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol) noong Marso.

Sa isang Facebook post ni Padilla noong Martes, Hulyo 8, sinabi niyang ang intensyon umano ng naturang resolusyon ay para sa kapakanan ng bayan at hindi sa politika.

“Kapakanan ng Inangbayan ang intensyon ng Resolusyon sa pagpapauwi kay Tatay Digong Hindi pulitika! Tanging reconciliation lamang ang daan para umasenso ang Pilipinas hindi ang nakaugalian ninyong paninira! Style niyo bulok,” saad ni Padilla.

'Di kami namimilit!' Mga Duterte, nananatili hangga't gusto ng tao—FPRRD

Dagdag pa ng senador sa isang hiwalay na post, “Gamitin niyo rin ang taas ng mga pinag aralan ninyo hindi yun taas ng ihi ninyo!Simple lang naman ang logic, kapag may nangyaring hindi maganda kay Tatay digong sa ICC, sa tingin niyo ba hindi magdudulot ito ng kagulohan sa Pilipinas.”

Matatandaang ayon sa panayam kay Vice President Sara Duterte noon ding Huwebes, sinabi niyang naghabilin na raw ang ama niya sa kaniya.

“Sabi niya, kung saan daw siya mamatay, doon daw siya i-cremate. Kung mamatay daw siya dito sa Netherlands, huwag na daw iuwi 'yong kaniyang katawan sa Pilipinas,” anang bise-presidente.