Umapela si Sen. Bong Go sa Department of Health (DOH) matapos mabahala sa pumutok na balitang nasa ₱500 milyon na ang hindi pa nababayarang mga guarantee letters sa ilang pribadong ospital sa bansa.
Ayon sa pahayag na ibinahagi ni Go sa kaniyang Facebook account noong Martes, Hulyo 8, 2025, kinalampag niya ang DOH para sa agarang pagtugon daw sa naging tugon ng ilang private hospitals na huwag na munang tumanggap ng guarantee letters hangga’t hindi pa nababayaran ang utang sa kanila.
“Ako ay nababahala sa desisyon ng ilang private hospitals na huwag munang tumanggap ng mga guarantee letters na napakahalaga para mabawasan sana ang hospital bills ng mga pasyente natin,” ani Go.
Dagdag pa niya, “Umaapela tayo sa DOH na bigyan ito ng pansin at i-settle agad ang mga bayarin sa private hospitals, na napabalitang umaabot na sa ₱530 million, sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.”
Matatandaang kamakailan lang nang ihayag ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), umabot na raw sa ₱530 million ang kabuuang hindi pa rin nababayaran ng gobyerno sa iba’t ibang ospital.
Ayon sa PHAPI, pumalo naman sa 43 pribadong ospital sa Batangas ang hindi pa nababayaran, kabilang ang isang pagamutan doon kung saan lumobo na raw ang bayarin ng gobyerno ng ₱94 milyon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Guarantee letters' ng indigents, ekis na sa ilang ospital; gov't officials, 'di raw nagbabayad?
Hirit pa ng senador, “Pera ng Pilipino 'yan, dapat lang na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na medical assistance.”