Mababa ang tiyansa na maging bagyo ang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa weather forecast nitong Miyerkules ng hapon, Hulyo 9, namataan ng PAGASA ang LPA sa 1,655 km East Northeast ng Basco, Batanas.
Anila, mababa ang tiyansa na maging bagyo ito at maaari rin itong mawala sa loob ng 24 oras.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng weather bureau ang mga cloud cluster sa PAR dahil sa posibilidad na may mamuong bagyo rito.
Kasalukuyang nakakaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa bansa na nagdudulot ng pag-ulan.
Dagdag pa ng PAGASA, magtutuloy-tuloy ang pag-ulan sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan, Babuyan Islands, at Batanes dahil sa Habagat.
Pinapaalalahanan din ng PAGASA ang publiko na posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa patuloy na pag-ulan.