May huling habilin na raw si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa panayam kay VP Sara sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands noong Martes, Hulyo 8, ang huling habilin daw sa kaniya ng ama niya ay i-cremate siya kung saan siya mamamatay.
“Nagbigay na siya ng kanyang mga huling habilin. Sabi niya, kung saan daw siya mamatay, doon daw siya i-cremate," saad ni VP Sara. "Kung mamatay daw siya dito sa Netherlands, huwag na daw iuwi yung kanyang katawan sa Pilipinas. Ipa-cremate lang daw siya dito."
Dagdag pa ng bise presidente na natural lamang daw na pag-usapan nila ng kaniyang ama ang mga habilin nito lalo't nasa 80 taong gulang na ito.
Ibinahagi rin ni VP Sara na pumayat daw ang dating pangulo, bagay na unang ibinahagi ng dati nitong asawa na si Elizabeth Zimmerman.
“He is okay, but he is so thin. Skin and bones,” ani Zimmerman. "He is healthy but as an old man, mahina na maglakad."
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, kailangan lang ng exercise sey ni Usec. Castro
Dumating si VP Sara sa The Hague noong Hulyo 5, at mananatili hanggang Hulyo 23.
Kasalukuyang nananatili sa detention center ng ICC si FPRRD matapos siyang maaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa Setyembre 23 nakatakdang humarap ang dating pangulo para sa confirmation of charges
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025