Kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na suportado raw ng “Duter7” si Sen. Francis “Chiz” Escudero na manatili sa pagka-Senate President.
Sa press briefing ni Dela Rosa nitong Miyerkules, Hulyo 9, 2025, iginiit niyang nakapag-commit na raw ang Duterte bloc na sumuporta kay Escudero.
“Nakapag-commit na kami. I don't know if everybody signed it. Ako, nakapirma na ako. We call ourselves Duter7,” ani Dela Rosa.
Paliwanag pa ni Dela Rosa, wala raw silang nakikitang dahilan upang hindi suportahan si Escudero na manatili sa kaniyang puwesto bilang Pangulo ng Senado.
“Kaming Duterte bloc napag-usapan namin, we are inclined to support Senator Chiz Escudero. Wala namang kami nakita [na dahilan na] hindi dapat siya suportahan,” anang senador.
Kabilang sa Duterte bloc o Duter7 sina Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Imee Marcos, Sen. Mark Villar at Sen. Camille Villar.
Pinuri din ni Dela Rosa ang pagiging bukas daw ni Escudero na makinig sa lahat ng panig ng mga senador.
“Ang pinaka-big factor d'yan na nakikita ko lang talaga is yung pagka-open niya. Nakikinig siya sa lahat ng sides. Yun ang nagustuhan namin na liderato,” aniya.
Dagdag pa niya, “Wala akong hiningi. Basta, nagustuhan ko lang yung pamamalakad niya sa amin. Wala akong hiningi. He’s not close minded, and that’s what we need as a democratic institution.”
Matatandaang si Escudero at ang nagbabalik-senado at dati na ring SP na si Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang magkatunggali sa posisyon ng Senate President ngayong 20th Congress.