Inihayag ni Senador Bong Go ang pangungulila niya para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Sa panayam ng media kay Go nitong Miyerkules, Hulyo 9, sinabi niyang wala siyang akses sa ngayon para makausap ang dating pangulo.
“Sumusulat lang po ako sa kaniya, nangangamusta through his family, ipinapaabot ko 'yong mensahe. Ako po'y sobrang nalulungkot. I miss him dearly,” saad ni Go.
Bukod dito, kinumpirma rin ng senador na totoo umano ang balitang buto’t balat na raw si Duterte.
Aniya, “Nakakalungkot, nakakaiyak po na dumating tayo sa puntong nagbibigay ng huling habilin ang ating pinakamamahal na dating pangulo.”
Kaya naman kinatatakutan umano ni Go na may mangyari sa dating pangulo at sa banyagang bansa pumanaw.
Matatandaang ayon sa panayam kay Vice President Sara Duterte noong Hulyo 8, sinabi niyang naghabilin na raw ang ama niya sa kaniya.
“Sabi niya, kung saan daw siya mamatay, doon daw siya i-cremate. Kung mamatay daw siya dito sa Netherlands, huwag na daw iuwi 'yong kaniyang katawan sa Pilipinas,” anang bise-presidente.