Tila pinatawad na ng mag-asawang sina Megastar Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin matapos i-atras ang demandang cyber libel laban sa kaniya.
Iyan ang ibinahagi sa Facebook post ng kapwa showbiz insider na si Ogie Diaz, Martes, Hulyo 8.
Mababasa sa post ni Ogie, "Nakakatuwa. Okay na sila ngayon. Kung matatandaan natin, nagsampa ng cyberlibel case ang mag-asawang Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta."
"Matapos humingi ng public apology si Ate Cristy Fermin sa kanyang youtube channel, heto’t nagkita na sila sa korte kanina (July 08, 2025) para iurong ang kaso."
"Sabi nga ni Ate Cristy, 'Kung nakapanakit tayo ng kalooban, marunong naman tayong humingi ng tawad.'"
"Hindi naman sa korte lang lagi ang lugar para ipaglaban ang karapatan at katotohanan. Pwede namang mag-usap nang puso-sa-puso. Hanggang sa pairalin ang pagpapatawad. Lalo na kung meron namang nabuong relationship noong araw pa."
"Thank you, Sen. Kiko Pangilinan and Mareng Mega," anang Ogie.
Mayo 10, 2024 nang magsampa ng kaso ang mag-asawa laban sa batikang showbiz news personality.
“Kapag ikaw ay bangkero, mayroong pagkakataon na pwede kang malunod. Kapag ikaw ay pulis, pwede kang makabaril at ikaw ay maaksidenteng mabaril. Kapag ikaw ay nasa ganyang mga linya katulad naming mga mamamahayag, naku, teritoryal po ang mga ganitong kaso. ‘Yong libel case, cybel libel,” reaksiyon ni Cristy.
“‘Yon lamang po ‘yon. Pero ano, ha, pataas nang pataas ang mga lebel, ha. Talagang tumataas ang lebel ng demandahan. From Sarah Lahbati to Bea Alonzo, Sharon Cuneta na ang kasunod. Sino po kaya ang susunod? Si Julia Roberts na?” aniya.
Dagdag pa niya: “Basta, naiintindihan natin kung saan sila nagmumula, kung saan nila nanggagaling. Wala pa po akong masasabi. Wala pa kaming impormasyon na tinatanggap. Basta naiintindihan natin ito.”
KAUGNAY NA BALITA: Cristy sa demanda nina Sharon, Kiko: 'Sino po kaya ang susunod?'