December 13, 2025

Home BALITA

Paglalaro ng online sugal sa e-wallets, super apps, ipagbawal! — Hontiveros

Paglalaro ng online sugal sa e-wallets, super apps, ipagbawal! — Hontiveros

Naghain si Senador Risa Hontiveros ng isang panukulang batas na naglalayong ipagbawal ang online sugal sa mga e-wallet at super app dahil pinadali umano ng mga ito ang pagkakalulong ng mga tao sa sugal.

“Phones are not casinos. Naging masyadong madali ang malulong sa sugal dahil napaka-accessible nito sa mga e-wallets at super apps,” saad ni Hontiveros.

“Napakarami sa ating mga kababayan ang nabaon sa patong-patong na utang dahil sa e-sugal na lalong pinadali ng mga e-wallets. Para sa iba, buhay ang naging kapalit, dahil isang pindot lang ang kailangan,” dagdag pa niya. 

Bukod sa pagbabawal na magsugal sa e-wallets at super apps, ipagbabawal din ang pagsusugal sa mga may edad na mas mababa sa 21-anyos. Tutuldukan na rin ng panukalang batas ang pag-advertise ng sugal sa mga billboard, commercial, at social media.

National

‘Hindi ako tutol!’ Sen. Imee aprub sa pagpapatayo ng classrooms, pero kinuwestiyon dagdag-pondo pa rito

“Tutuldukan na rin natin ang sangkaterbang billboards, commercials, at social media ads na nanghihikayat na magsugal. Para na itong panghihikayat na malugmok ang ating mga kababayan. Wala na dapat ineenganyo ang bisyong ito,” ani Hontiveros.

Ipinag-uutos din ng panukalang batas sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na magtakda ng pang-araw-araw, lingguhan, at buwanang limitasyon sa pagtaya at pagkatalo, na kapag nakamit na ang limit, maaaring masuspinde ang account nang hindi bababa sa 30 araw. 

“Dahil walang limitasyon ngayon sa pagsusugal, ang nangyayari tuloy ay unli-sugal na madalas humanatong sa unli-lustay. Unli-utang at unli-problema din ang hatid nito sa ating mga kababayan, kaya dapat bigyan ng hangganan ang pag-gasta,” giit ng senadora. 

“Tulungan nating makabangon ang mga kababayan nating nalulong sa sugal at siguraduhin nating wala nang iba pa ang malululong dito. One life lost to gambling is one too many,” ayon pa kay Hontiveros. “I hope that my colleagues in the Senate will unite against the scourge of online gambling and heed the call of the public to tighten its regulations.” 

Inirerekomendang balita