Sa singing stage, tila isang halimaw sa biritan si Venus Pelobello—bawat liriko, tono at melodiya ay tinutuldukan ng buo, taas, at emosyon.
Pangmalakasan kung tawagin, isa siyang paboritong pangalan sa kantahan at naging laman ng iba't ibang singing contest sa telebisyon.
Ngunit sa likod ng kaniyang makapangyarihang tinig ay isang kuwento ng tahimik na laban—isang kalagayang matagal na niyang iniinda.
Sa halip na magpahinto, ginamit ito ni Venus bilang inspirasyon upang itaas ang tinig hindi lamang sa entablado, kundi para na rin sa mga taong tulad niya na nangangarap at patuloy na lumalaban.
Sinong mag-aakalang ang kasalukuyang "The Clash" contestant, na nagbabakulaw sa kaniyang pag-awit, ay isang "partially deaf?"
May hearing disability siya sa kaliwang tenga kaya kinakailangan niyang magsuot ng hearing aid.
May mga pagkakataong ayaw na niyang kumanta dahil sa hirap ng ganitong kalagayan, bukod sa ilang bashers din ang pumupukol sa pagiging "overweight," "may edad na," o "laos na," batay sa kaniyang Facebook post noong Hunyo 22, 2025.
"Sinubukan kong talikuran ang pagkanta at tumutok sa pagnenegosyo. Pero hindi nawawala ang bulong at pagsusumamo ng itaas na muli kong balikan ang unang bagay na nakapagpatibok ng puso ko," mababasa sa post.
"Nang pumasok ang taong 2025, sunod-sunod ang kumatok na oportunidad na pilit nagpabalik sa akin. Damang-dama ko na ang Panginoon ang kumikilos sa buhay ko ngayon."
"Isa akong PWD. Butas ang eardrum at mahina ang pandinig. Kailan ko lamang ito nasimulang yakapin at tanggapin. Alam kong ang pagkatok ng oportunidad na ito ay may mas malaking hamon kaysa pagkapanalo. Ito ay ang ipaabot sa lahat na gaya ko na Kaya Natin!" dagdag pa.
Sa ginanap na media conference ng The Clash kamakailan, naibahagi niya ulit ang patungkol sa disability.
Isa raw challenge para sa kaniya bilang isang mang-aawit ang pagkakaroon ng hearing disability sa kaliwang tenga, kagaya rin ng sitwasyon ni Asia's Nightingale Lani Misalucha, na isa sa mga hurado ng nabanggit na singing competition ng GMA Network.
Pero sa kaniyang mga dasal, lagi niyang tinatanong ang Poong Maykapal kung "para saan ba talaga siya."
Hanggang sa muli niyang nabasa ang anunsyo ng audition para sa pagbabalik ng The Clash ngayong 2025. Tila sinagot daw ng Diyos ang kaniyang tanong.
Ang purpose ng pagkanta niya ngayon, ipamalas sa lahat na hindi hadlang ang disability o kapansanan upang ibahagi ang talentong ipinagkaloob Niya.
"Hindi dapat maging obstacle 'yong pagiging PWD ko," aniya.
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, para naman sa kaibigan at number 1 na tagasuporta ni Venus na si Ressa "Ishie" Villaruel, isang inspirasyon hindi lamang sa PWD community ang singer kundi para sa lahat.
"Her purpose kasi this time is to inspire. Halos kaka-embrace lang niya ng disability niya. Before insecurity niya 'yan," aniya.
"Normally mahusay siya, kaya hindi na nakikita 'yong pagiging partially deaf niya."
Isa si Ishie sa mga patuloy na pinasasalamatan ni Venus dahil sa buong-buong suporta sa kaniya, mula umpisa.
"Ishie, sinabi ko sa'yo na hindi ako lalaban na hindi kita kasama. Ang daming challenges, sa negosyo, sa buhay pero nalalampasan natin dahil magkasama tayo."
"Maraming salamat sa 101% na support mo sa akin sa competition na ito. Isa ka sa mga main ingredients kaya ako nanalo sa Round 1. Mahal kita palagi," aniya.
Magpapatuloy ang laban ni Venus sa mga susunod pang round ng The Clash.
Goodluck, Venus!