Nanawagan si Senador Migz Zubiri sa mga celebrity na huwag gamitin ang posisyon upang mag-promote ng online gambling.
Sa ginanap na “Kapihan Sa Senado” nitong Lunes, Hulyo 7, tinalakay ni Zubiri ang Anti-Online Gambling Act, isa sa mga panukalang batas na isusulong niya sa 20th Congress.
“Umaapela rin kami sa mga sikat na celebrities. Let’s not use your position to encourage online gambling. Nakikita n’yo naman ‘yong nangyayari ngayon,” saad ni Zubiri.
Dagdag pa niya, “Baka puwede na kayang mag-pull out mismo. Alam ko malaki ang bayad sa inyo. But pag-isipan n’yo naman ang nangyayari ngayon sa ating mga kabataan, sa ating mga kababayan.”
Bukod dito, hinihiling din ni Zubiri na tanggalin na ang mga naglalakihang billboard sa kalsada na nagtatampok ng mga patalastas ng online gambling.
Ayon sa kaniya, hindi umano sapat na i-regulate lang basta ang mga pasugalan sa online world. Nararapat na umanong ideklara itong “total ban” sa buong bansa.