Itinanggi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na siya ang utak sa likod ng pagkasibak ni Eden Santos ng Net 25 sa Malacañang beat.
Sa panayam ng media kay Castro nitong Lunes, Hulyo 7, sinabi niyang hindi umano siya ang nagdedesisyon pagdating sa usapin ng pagtatanggal ng reporter sa naturang beat.
“Unang-una ba't ko naman po ila-lobby na mawala ang isang reporter dito? Unless mayro'n talagang violation,” saad ni Castro.
“Saka hindi po ako ang nagpapasya niyan,” pagpapatuloy niya. “Hindi naman din po ako 'yong secretary. 'Di naman po ako may hawak ng MARO [Malacañang's Media Accreditation and Relations Office].”
Dagdag pa niya, “Tayo'y press officer lang. So kung ikinakabit nila sa akin ito, sorry. You're wrong. Fake news.”
Ayon din kay Castro, wala raw siyang kahit na anomang personal na isyu laban kay Santos dahil ginagawa lang umano nito ang trabaho kapag nagtatanong sa kaniya.
Matatandaang nagpadala ng liham ang PCO sa pamunuan ng Net 25 upang hilingin na tanggalin at palitan si Santos.
MAKI-BALITA: Eden Santos ng NET25, pinatatanggal ng PCO sa Malacañang beat