Nagliyab sa daan ang isang L300 van na maghahatid na raw sana ng patay sa kahabaan ng Barangay Amlan, Negros Oriental.
Ayon sa mga ulat at sa video na nagkalat sa social media, bigla na lamang daw umusok ang naturang sasakyan habang binabagtas ang daan sa Barangay Amlan, dahilan upang huminto ito sa gilid ng kalsada.
Nauna raw lumabas ang driver ng sasakyan upang silipin ang problema sa naturang van. Ilang sandali pa, mapapansin sa nasabing nagkalat na video na mabilis na bumaba ang mga sakay nito na pawang mga kaanak ng patay.
Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang insidente at maayos din na nailabas ng mga kaanak ang bangkay sa loob ng sasakyan.
Ayon sa driver ng van, naramdaman niya raw na tila umiinit ang bahagi ng driver’s seat, dahilan upang agad niya itong suriin.
Napag-alamang baterya ng sasakyan ang pinagmulan ng sunog na mabilis namang naaksyunan ng mga bumbero sa lugar.