Kumbinsido si Sen. Miguel "Migz" Zubiri na tapusin daw ang kaniyang huling termino bilang parte ng minority block sa Senado.
Sa pagharap niya sa media nitong Lunes, Hulyo 7, 2025, iginiit niyang apat na senador daw ang maaaring bumuo sa minorya.
"I started my career as a minority member, I will end my career as a member of the minority. Okay sa akin iyon," ani Zubiri.
Dagdag pa niya, "Apat lang kami, handa na po kami sa pagiging minority."
Inaasahang sasamahan si Zubiri ng tatlo pang mga beteranong senador na sina Sen. Vicente "Tito" Sotto III, Sen. Loren Legarda at Sen. Ping Lacson.
Kaugnay naman ng pag-angkin nila sa Senado bilang minorya, tila maiiwan daw sa ere si Sen. Risa Hontiveros na miyembro ng minority bloc ng 19th Congress matapos umugong ang umano'y pagsama ng kaniyang mga inaasahang kaalyado sa 20th Congress patungong majority bloc na sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Bam Aquino.
"Naawa nga ako kay Sen. Risa, naaawa talaga ako sa kaniya. Alam mo kampanya nang kampanya para sa kaniyang mga kandidato, tapos sabi n'ya, gagawa siya ng sarili niyang bloke na independent bloc. Eh, ngayon mag-isa na lang siya. I heard mag-isa na lang siya, I cannot confirm or deny this," ani Zubiri.
Bukas naman daw ang kanilang pinto bilang mga bagong minority bloc na tanggapin ang senadora.
"She’s most welcome to join us, although we have divergent, I’d say, positions on some issues. Kasi of course, she’s more on the left side. We’re more on the conservative side," aniya.