March 14, 2026

Home SHOWBIZ Events

Mika Salamanca, 'di maintindihan kung anong ginawang tama sa Bahay ni Kuya

Mika Salamanca, 'di maintindihan kung anong ginawang tama sa Bahay ni Kuya
Photo courtesy: Mika Salamanca, Pinoy Big Brother (FB)

Hindi inakala ni Mika Salamanca, ang tinaguriang “Controversial Ca-babe-len ng Pampanga,” na sila ng ka-duo na si Brent Manalo ang hihiranging kauna-unahang Big Winner duo ng makasaysayang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," na pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at GMA Network pagdating sa reality show.

Sa isang emosyonal na post matapos ang kaniyang pagkapanalo, ibinahagi ni Mika ang kaniyang hindi makapaniwalang damdamin sa pag-abot sa dulo ng kompetisyon.

Matapos mabigo sa unang pagsubok na makapasok sa Bahay ni Kuya sampung taon na ang nakalilipas, naniwala si Mika na may mas malaking plano ang Diyos para sa kaniya. At ngayon, sa tamang panahon at pagkakataon, natupad ang matagal niyang pinangarap.

KAUGNAY NA BALITA: Mika Salamanca sa PBB journey: 'May dalang konting damit at pangarap lang'

KAUGNAY NA BALITA: Mika Salamanca, nag-audition sa PBB noon pero naligwak

Events

Dennis Trillo, Carlene Aguilar, nagkita ulit para sa anak; Jennylyn Mercado, kasama rin!

Aniya, hanggang sa sandali ng kaniyang post, hindi pa rin niya maintindihan kung anong ginawa niyang tama sa loob ng Bahay ni Kuya para sila ni Brent ang makakuha ng pinakamaraming boto para ma-save.

Ang alam lang niya, talagang nagpakatotoo lamang daw siya gaya ng payo sa kaniya ng mga mahal sa buhay.

"Hanggang ngayon po hindi ko pa rin po maintindihan kung ano ang ginawa kong tama sa loob ng Bahay ni Kuya para maging 'Big Winner' dahil ang ginawa ko lang naman po ay ang bilin ng mga mahal ko sa buhay—ang maging ako. Thank you for letting me reintroduce myself," aniya.

Lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga taong sumuporta sa kaniya sa loob at labas ng Bahay ni Kuya. Hindi rin niya nakaligtaang pasalamatan ang mga taong naging kaagapay niya sa buong PBB journey, kabilang sina ShuKla at DusBi na dinala nila sa laban, at si "Caca" na naging kaagapay at tagapayo niya sa mga hamon.

Partikular din niyang pinasalamatan si Brent, ang kaniyang ka-duo sa loob ng bahay, na naging sandalan niya sa emosyonal na aspeto ng kompetisyon.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga bumubuo ng PBB, kabilang na ang ABS-CBN, GMA Network, Sparkle, at mga indibidwal na tumulong upang maging matagumpay ang edisyon ng palabas.

Sa pagtatapos ng kanyang post, muling ipinakilala ni Mika ang sarili sa publiko na hindi lamang bilang isang housemate, kundi bilang taong nagtagumpay sa pamamagitan ng katapatan sa sarili at pagmamahal sa kapwa.