Sugatan ang mag-asawa matapos pagtatagain ng tatlong mga lalaking kanilang pinakain sa Moalboal, Cebu.
Ayon sa mga ulat, pinakain daw ng mga biktima ang tatlong lalaki dahil kaarawan ng kanilang lola. Bumalik pa raw ang mga suspek upang humingi ng pambili ng alak, na pinagbigyan pa rin ng mga biktima.
Makalipas ang ilang oras namataan daw ng babaeng biktima ang isa sa mga suspek na umaaligid sa kanilang bahay. Ilang sandali pa ay bumalik daw ulit ito, kasama ang dalawa pang lalaki.
Doon na raw pinasok ng mga suspek ang kanilang bahay at pinagtataga ang mga biktima. Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang mag-asawa habang kinailangan namang tahiin ang ulo at mukha ng lalaking biktima matapos itong mawakwak.
Ayon sa pulisya, pagnanakaw ang tinitingnan nilang motibo sa krimen lalo pa’t napag-alamang nawawala rin ang pera ng mga biktima.
Nadakip na ng mga awtoridad ang tatlong suspek na nasa kustodiya na nila. Patuloy namang nagpapagamot sa ospital ang mga biktima.