May mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga bagong halal na lider na pormal nang nakaupo sa kani-kanilang puwesto noong Hunyo 30, 2025.
Sa kaniyang vlog na inilabas nitong Linggo, Hulyo 6, binati at pinalalahanan ng Pangulo ang mga bago at nagbabalik na lider mula sa national hanggang local positions.
“Ako’y makiki-congratulate ulit sa inyo, at magpaparating ng goodluck para sa inyong lahat,” anang Pangulo.
Dagdag pa niya, “Tapos na po ang bahagi ng politika. Serbisyo publika na ang haharapin n’yo ngayon. Marami-rami tayong trabahong pagtutulungan ngayon, sa lokal at national government. At malaking bahagi ang LGU sa paghahatid namin ng serbisyo sa taumbayan.”
Samantala, kaugnay ng pagpapatuloy ng kaniyang administrasyon sa 20th Congress, muling ibinada rin ng Pangulo sa naturang vlog ang bentahan ₱20 na bigas sa iba’t ibang parte ng bansa.
“₱20 rice is here to stay. It is achievable, it is sustainable. Kaya abangan ninyo, in your nearest public market,” ani PBBM.