Bugbog-sarado ang isang high school student sa kapuwa niya mga estudyante matapos umano siyang tumanggi na gumamit ng sigarilyo.
Mapapanood sa viral video kung paano sinalo ng biktima ang magkasunod na suntok, tadyak at paniniko sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan habang pinagtutulungan siya ng dalawang suspek.
Bukod sa pamimisikal, nakuhanan din sa video ang paghugot ng isa sa mga suspek ng kutsilyo na tinakot na sasaksakin ang biktima.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente sa loob ng isang eskwelahan sa Basilan na nangyari noong Hunyo 25, 2025 ngunit noong Hulyo 4 lamang daw nakapagsumite ng pormal na reklamo ang ama ng biktima matapos siyang isugod sa ospital.
Batay sa imbestigasyon ng Police Regional Office 9, naunang isinugod sa ospital sa Isabela City, Basilan ang biktima ngunit kalaunan ay inilipat siya sa Zamboanga City para mas maibigay ang atensyong medikal.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa eskwelahan upang mabigyan ng counseling service ang biktima at kaukulang programa para sa mga suspek.
Kasalukuyan na rin daw gumugulong ang pagsasaayos ng mga awtoridad ng kinakailangan upang mapanagot ang dalawang suspek at masampahan ng kaukulang reklamo.