Bagong pag-asa para sa agrikultura ng Kalinga ang dala ng anim na kabataang magsasaka na nagbalik sa bansa matapos ang halos isang taong pagsasanay sa Taiwan.
Sa ulat ng Philippine Information Agency (PIA), sa pamamagitan daw ng Filipino Young Farmers Internship Program (FYFIP) ng Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture (DA-ATI), nabigyan sila ng pagkakataong matuto at maranasan ang makabagong pamamaraan sa pagsasaka sa ibang bansa.
Layunin ng FYFIP na palakasin ang kapasidad ng kabataang Pilipino sa larangan ng agrikultura sa pamamagitan ng hands-on na pagsasanay sa teknolohiyang agrikultural, pamamahala ng kooperatiba, at pagmemerkado ng produkto. Isa rin itong hakbang upang tugunan ang tumatandang populasyon ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Kabilang sa mga nakilahok sa programa si Giovanni Addatu, na naitalagang mag-intern sa isa sa pinakamalalaking pineapple farms sa Taiwan. Mula pagtatanim hanggang pag-ani, naging bahagi siya ng buong proseso. Aniya, malaki ang naitulong sa kanya ng pagsasanay, lalo na sa aspeto ng quality control at paglikha ng mga produktong may value-added mula sa pinya.
Samantala, iba’t ibang aspeto ng agrikultura rin ang natutukan ng lima pang interns: si Nellie Magadang ay nagsanay sa paggawa ng jujube-based products, si Jovanni Tabbu sa produksiyon ng passion fruit, sina Reydan Ommecas at John Rey Pantoloc ay naitalaga sa isang dairy farm, at si Jephunneh Kinnobong naman ay nagpakadalubhasa sa pagtatanim at pagpapalaki ng kabute.
Bilang suporta sa kanilang pagbabalik, makatatanggap ang bawat isa ng ₱50,000 financial grant mula sa DA-ATI upang masimulan ang kanilang sariling mga proyektong agrikultural sa kani-kanilang mga komunidad.
Lubos ang pasasalamat ng kabataang ito sa pamahalaan sa pagbibigay ng ganitong klaseng oportunidad. Ipinangako rin nilang ibabahagi nila ang kanilang mga natutunan sa kapwa nilang magsasaka upang sama-samang mapaunlad ang agrikultura sa kanilang lalawigan.