Sumabak na sa hosting sa noontime show na "It's Showtime" ang celebrity duo na "ShuKla" o sina Shuvee Etrata at Klarisse De Guzman nitong Biyernes, Hulyo 4, sa bagong segment na "Breaking Muse."
In fairness, mukhang nagustuhan naman ng madlang people at madlang netizens ang hosting skills ng dalawa, lalo na ang rapport nila sa Showtime hosts, lalo na kay Unkabogable Star Vice Ganda.
Hindi naman na bago si Klarisse sa It's Showtime dahil hurado siya sa "Tawag ng Tanghalan (TNT)," isa sa mga pangmalakasang segment ng Showtime, pero first time niyang sumalang sa show bilang host at nagpapatawa na rin.
First time naman ni Shuvee sa show bilang guest co-host pero naitawid naman niya at benta sa mga netizen ang mga hirit niya.
Na-validate ito mula mismo kay Meme Vice matapos niyang i-post sa kaniyang social media platforms na naging maayos ang sabak ng dalawa sa hosting.
"ShuKla did well as cohosts today in It’s Showtime. Di sinayang ang moment. Congrats and thanks girls!!!!" aniya.
Panawagan ng mga netizen na sana raw ay maging mainstay hosts na ang dalawa, lalo na raw si Klarisse na binabansagan ngayong "Nation's Mowm."