Nagbigay ng pahayag si dating anti-poverty czar at Makabayan President Liza Maza kaugnay sa binabalak na pagpapatayo umano ng Amerika ng base-militar sa Olongapo.
Sa latest Facebook post ni Maza nitong Sabado, Hulyo 5, sinabi niyang mapanganib umano ang nasabing konstruksyon dahil magnet ito ng pag-atake sa kung sinomang kalaban ng Amerika.
“Ang plano ng US na magtayo sa Subic, Olongapo ng pagawaan at imbakan ng kanyang mga armas-pandigma ay mapanganib sa mga Pilipino. Magnet ito ng atake ng sinumang kaaway ng US,” saad ni Maza.
Dagdag pa niya, “Sagad-sagaran ang pagpapakatuta ni Marcos, Jr. sa US sa pagpayag na paramihin pa ang mga base militar nito sa ilalim ng EDCA [Enhanced Defense Cooperation Agreement], pag-iimbak ng US missiles sa bansa at ngayon ay pagtatayo ng pabrika ng armas-pandigma.”
Matatandaang ayon sa isang ulat noong Hunyo 16, ipinag-utos ng US House Committee on Appropriations sa mga pederal na ahensyang nakatoka sa defense at foreign policy na tasahin ang posibilidad na makapagtatag sa Subic ng isang pinagsamang pasilidad na magsisilbing pabrika at imbakan ng bala.