Grateful si Maine Mendoza sa kaniyang "Eat Bulaga" family na nagpasimula ng kaniyang pagsikat nang husto bilang si "Yaya Dub" sa Kalyeserye nila noon ni Alden Richards, noong nasa GMA Network pa ang nabanggit na noontime show.
Nag-celebrate nga si Maine sa kaniyang 10 years sa nabanggit na "longest-running noontime show" na lumipat na sa TV5 Kapatid Network matapos magkaroon ng gap ang TVJ o sina Sen. Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon sa dating producers ng show, ang Television and Production Exponents (TAPE), Inc.
Mababasa sa Instagram post ni Maine, "A decade already? Just wow. Truly grateful for the journey and the people I’ve shared it with. Having Eat Bulaga as my home all these years has been such a blessing. Maraming salamat sa sampung taon, dabarkads."
Samantala, speaking of Maine, how true ang naglalabasang isyu na kesyo hindi raw sila nagpapansinan ng co-host na si Miles Ocampo?
Iyan din ang tanong ng mga netizen matapos daw mapansin ng mga marites na netizen na tila hindi na raw naka-follow si Maine sa Instagram account ni Miles kamakailan.
Pero kung sisilipin naman ang IG account ni Miles, naka-follow pa siya kay Maine.
Hindi naman sigurado kung una pa lang ay naka-follow ba o hindi si Maine kay Miles.
Nagtanong na nga ang ilang curious na netizens sa comment section ng isa sa mga IG post ni Maine upang kumpirmahin ang tsikang ito.
Marami rin ang nagpahayag ng panghihinayang kung sakali mang totoo raw ito, dahil ang ganda na raw ng camaraderie ng dalawa sa hosting nila sa EB.
Hangad nga nila, sana raw ay maayos pa raw nila ang kanilang hindi pagkakaunawaan kung sakaling totoo man daw ito.
Hindi pa malinaw kung ano ang puno't dulo ng nabanggit na alitan, kung kumpirmadong mayroon man.
Kilala pa naman ang dalawa bilang malapit sa isa't isa. Huling linggo ng Mayo 2025 ay magkasama pa sa Bangkok, Thailand ang dalawang EB hosts.
Hindi rin naman nila sinagot ang mga pang-uurirat ng mga netizen sa comment section ng post.
Well, sila lang talaga ang makapagsasabi niyan. Bukas ang Balita sa kanilang panig.