Humakot ng parangal ang mahigit 1,000 graduating students ng University of the Philippines (UP) Diliman na magsisipagtapos sa Linggo, Hulyo 6, 2025.
Umabot sa 241 estudyante ang magmamartsa na may pagkilala bilang mga summa cum laude, habang pumalo naman ng 1,143 ang mga magsisipagtapos bilang magna cum laude at 985 iskolar naman ang cum laude.
Sa kabuuang bilang, nasa 5,000 iskolar ng bayan mula sa UPD ang magtatapos sa Linggo.
Bagama't mas mababa ang bilang ng mga nakasungkit ng summa cum laude ngayon kumpara noong 2024 na may 286 na mga mag-aaral, nahigitan naman ng mga magtatapos na magna at cum laude ang bilang noong nakaraang taon na nasa 1,109 (magna cum laude) at 788 (cum laude).
Nakatakdang isagawa ang “Ika-114 na Pangkalahatang Pagtatapos ng UP Diliman (UPD),” sa University Amphitheatre na may temang "Lunas."
Samantala, nakatakda namang pangunahan ng beteranong mamamahayag na si Jessica Soho ang commencement address.