Nakapag-Instagram post pa ang batikang showbiz insider at talent manager na si Lolit Solis bago pumanaw sa edad na 78, nang pumutok ang balita patungkol dito noong Biyernes, Hulyo 4.
Ayon sa kaniyang mga kaanak, atake sa puso ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
KAUGNAY NA BALITA: Lolit Solis, pumanaw na
Aktibo sa pagpo-post sa kaniyang Instagram account si Lolit, at kadalasan, dito siya nagbibigay ng update hinggil sa lagay ng kaniyang kalusugan, dahil sa dialysis na kaniyang pinagdaraanan.
Huwebes, Hulyo 3, 2025, nagbigay siya ng update tungkol sa kaniyang sakit.
Ito na ang maituturing na huling Instagram post ni Lolit.
Sabi niya, ang hirap daw kapag maysakit dahil nararamdaman mong "hopeless, helpless, weak ka."
"Buti na lang at ang babait ng mga doctors ko, Dr Florante Munoz, Dra Linga, Dr Mora at Dra Nema Evangelista. Talagang inalagaan nila ako at hindi iniwan. Ang hirap pala ng maysakit. Hopeless, helpless, weak ka. Para bang hindi mo alam where and what to do. I feel it was already late for me para magkaruon ng ganitong episode sa buhay," anang Lolit.
"Pero alam mo naman si GOD alam niya when or where ibibigay sa iyo ang mga bagay. So grateful na ngayon older na ako nangyari ito. Meron na ako ng pasensiya at wisdom na tanggapin mga bagay. I feel sad, weak, but hopeful. Wishing na sana gumaling ako agad at maging active uli. I love life. I love my works. I love my friends.I live life like everybody else. But if being sick is a sacrifice I have to experience it was an eye opener for me."
"Like going thru the medical procedures, mga ginagawa sa iyo sa hospital, lahat new sa akin. Pero in all gratitude SALAMAT sa staffs ng FEU Hospital dahil napaka caring nila. Talagang spoiled patient ang feeling ko. Hindi ako nagsisi na nagpa alaga sa FEU Hospital. I feel very special dahil sa alaga ng staffs lalo na ng mga doctors. Kaya nga tiyak ako na gagaling agad ako. Para lang ako nagbakasyon, sleep over ng ilang araw. Pero ganuon pala ang feeling ng nasa hospital. Minsan nga gusto ko umiyak dahil sa self pity. Pero talaga siguro ganuon ang buhay, dumarating mga bagay sa oras ng hindi mo alam..." aniya pa.
Nag-iwan na rin ng tribute para sa kaniya ang mga kasama sa industriya, kabilang na ang kapwa showbiz insider at kaibigang si Cristy Fermin.
KAUGNAY NA BALITA: Cristy, Lolit nagkakatampuhan: ‘Di ‘yon naging sapat para masira ang aming pagkakaibigan’
Pakikiramay sa pamilyang naulila ni Lolit.