Posible pa raw matagpuan ang mga buto ng mga nawawalang sabungerong pinaniniwalaang itinapon sa Taal Lake, ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum.
Sa panayam ng media kay Solidum nitong Sabado, Hulyo 5, 2025, iginiit ni Solidum na hindi raw maaaring mabulok ang buto hindi tulad ng mga laman ng tao.
“Ang buto hindi made-decompose. Yung buto walang pakialam ang decomposition doon, ang laman ang nabubulok lang,” ani Solidum.
Paglilinaw pa niya, kung sakaling nasa Taal Lake nga ang mga labi ng mga nawawalang sabungero, “‘Pag wala nang oxygen hindi na yan made-decompose, mape-preserve so depende ‘yan sa lokasyon.”
Iginiit din niya na nakahanda rin tumulong ang kanilang ahensya para sa nakaambang paghahanap ng mga bangkay sa Taal Lake.
"Of course makikipag-ugnayan kami sa ibang scientist, sa tingin naman baka may instrument na kakayahan. May pandagat kami na instrumento na pinondohan ng DOST for marine monitoring—para sa mga isda, mga corals, but we will have to find out kung ‘yung murky conditions ng Taal Lake kaya pa ng ibang mga camera na mayroon," anang Science and Technology Secretary.
Saad pa niya, mas ligtas daw kung camera na lamang ang gagamitin sa mismong lawa ng Taal kaysa sisirin pa ito ng mga technical divers.
"Yun ang mas madali kaysa mag-dive. Ang diving hindi safe. Hindi natin alam ang lalim eh," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Bangkay ng mga nawawalang sabungero, itinali sa sandbag para lumubog sa Taal Lake