Isang vendor ang patay nang saksakin sa dibdib ng kaniyang kapitbahay sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw, Hulyo 3.
Tinangka pa ng mga doktor ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na isalba ang biktimang si alyas ‘Don,’ 48, ng Lico St., Tondo ngunit binawian ng buhay dahil sa saksak ng balisong sa kaliwang dibdib.
Samantala, nakatakas naman ang suspek na si alyas ‘Silvestre,’ 36, kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Lico St. sa Tondo.
Nauna rito, tinawag umano ng suspek ang biktima para lumabas sa kaniyang bahay.
Lumabas naman umano ang biktima ngunit habang naglalakad patungo sa eskinita ay inakbayan ito ng suspek at sa di pa batid na kadahilanan ay walang sabi-sabing sinaksak sa dibdib, bago mabilis na tumakas.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek upang panagutin sa krimen.