December 13, 2025

Home BALITA

‘Sunugin si Robin!’ Seguridad kay Sen. Padilla, hinigpitan dahil sa nagkalat na socmed event

‘Sunugin si Robin!’ Seguridad kay Sen. Padilla, hinigpitan dahil sa nagkalat na socmed event
Photo courtesy: Contributed photo, Senate of the Philippines

Nabahala raw ang pamilya ni Sen. Robin Padilla matapos kumalat ang isang social media event na naglalayong sunugin siya para “mangamoy Duterte.”

Sa kaniyang Facebook post noong Huwebes, Hulyo 3, 2025, sinabi ni Padilla na naka-red alert daw ang kaniyang seguridad at maging ng kaniyang pamilya bunsod ng naturang event.

“Ang aking buong pamilya nagkaroon ng matinding pagkabahala ng mayroong naglabas sa social media ng isang kampanya para sunugin si Robin Padilla,” anang senador.

Dagdag pa niya, “Nagkaroon ng paghihigpit sa aming mga pupuntahan at sa hanggang ngayon ay naka red alert pa rin ang aking security dahil ang mga ganitong kampanya ayon sa kanila ay baka sakyan ng mga terorista.”

National

Sen. Bato at iba pa, 'di sumipot sa bicam conference committee meeting para sa 2026 nat’l budget

Bagama’t pormal na raw silang nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kumalat na event, napagkasunduan daw nilang huwag ng ituloy ang reklamo.

“Sa madaling salita isinangguni ng pamilya ito sa NBİ para makapagbigay ng statement upang maipaalam sa kanila ang threat na siniseryoso ng aming security,” ani Padilla.

Saad pa niya, hindi raw kasi magandang imahe na pumatol ang kagaya niyang politiko at maging isang balat sibuyas.

“Napagkasunduan ng pamilya na bitiwan ang pagreklamo ng cyberlibel dahil hindi mainam sa isang pulitiko ang maging balat sibuyas,” saad ni Padilla.

Matatandaang umusbong ang magkakaibang social media event na “Sunugin si Robin Padilla” sa online platform na Facebook matapos ang kaniyang pahayag na “mangangamoy Duterte” pa rin daw siya kahit siya ay sunugin.

“'Di ba malinaw naman siguro 'yon? Kahit sunugin mo 'ko dito, mangangamoy Rodrigo Roa Duterte ako,” anang senador.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Padilla, aminadong mangangamoy Duterte kahit sunugin siya!

Habang isinusulat ang artikulong ito, pumalo na sa 64k ang isang netizens na kumagat na “interested” sa isang event na “Sunugin si Robin Padilla.”