Nagbigay ng pahayag si Senador Bam Aquino kaugnay sa mga naapektuhang estudyante sa dalawang paaralan sa Antique dahil sa umano’y chemical exposure mula sa kalapit na sakahan.
Sa latest Facebook post ni Sen. Bam nitong Biyernes, Hulyo 4, nanawagan siya sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa nangyari.
“We call on concerned government agencies to conduct a thorough investigation and demand accountability for this incident. Kailangang may managot sa nangyaring ito,” anang senador.
Dagdag pa niya, “Hinihiling din natin sa Department of Health na magpaabot ng agaran at sapat na tulong sa lalawigan ng Antique para matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga naapektuhang estudyante.”
Ayon kay Sen. Bam, nararapat umanong bigyan ng sapat na atensyon, proteksyon, at tulong ang kabataan sa harap ng nararanasang krisis sa edukasyon ng Pilipinas.
Matatandaang nauna nang nagpaabot ng masidhing pag-aalala ang DepEd Schools Division Office (SDO) ng Atique dahil sa nangyaring insidente.
Samantala, batay naman sa Department of Health (DOH), wala umanong naitalang casualties sa idinulot ng chemical exposure.